Filipino | Guest Essay
Responsableng Paggamit ng AI Nagsisimula sa Paaralan
Dapat matutunan ng mga mag-aaral kung paano gamitin nang mapanuri ang mga kasangkapan ng AI at kung kailan angkop o hindi angkop ang paggamit sa mga ito.

Sa kasalukuyan, laganap ang talakayan tungkol sa artipisyal na intelihensiya (AI) sa Pilipinas. Kabilang dito ang mabuti at masasamang epekto nito, lalo na sa mga mag-aaral. Maraming pakinabang ang paggamit ng AI. Nakakatulong ito upang maging mas mabisa ang mga kagamitang panturo at mapadali ang pagkatuto ng mga konseptong mahirap unawain. Maaari rin nitong gawing mas madaling makuha ang impormasyong dati ay hindi madaling ma-access. Gayunman, maaari ring magbigay ang AI ng kapani-paniwala ngunit maling impormasyon (tinatawag na halusinasyon), maglantad ng sensitibong impormasyon, at magpalaganap ng mga pagkiling.
May kaakibat itong pag-asa at panganib, kaya mahalagang pagtuunan ng pansin ang isang usapin: maaaring makatulong o makapinsala ang AI. Isang mabisang paraan upang mapakinabangan ito nang husto ay ang pagtuturo ng responsableng paggamit nito sa paaralan. Dapat matutunan ng mga mag-aaral kung paano gamitin nang mapanuri ang mga kasangkapan ng AI at kung kailan angkop o hindi angkop ang paggamit sa mga ito.
Marami nang ginagawa upang maituro ang wastong paggamit ng AI. Nagtatag ang Kagawaran ng Edukasyon ng Education Center for AI Research upang masiyasat ang mga aplikasyon ng AI sa batayang edukasyon. Nanawagan naman ang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) para sa makatao at angkop sa edad na paggamit ng AI upang maprotektahan ang datos ng mga mag-aaral at masuportahan ang makabuluhang pagtuturo at pagkatuto.

Turuan ang kabataan na magsiyasat at magtanong tungkol sa AI
Naging posible ang malawakang paggamit ng mga large language model (LLM) sa pamamagitan ng AI prompting, o pagbibigay ng mga tagubilin upang maisagawa ang nais ng isang gumagamit. Maraming gabay ang nagtuturo kung paano bumuo ng mabibisang prompt, ngunit hindi dapat doon lamang umikot ang edukasyon tungkol sa AI. May mga pagkakataong kapani-paniwala ang sagot ng AI ngunit mali naman. Maaari rin itong magbigay ng sagot na may pagkiling. Dapat maunawaan na hindi nangangahulugang tama ang isang sagot dahil lamang mahusay ang pagkakalahad nito.
Isang kapaki-pakinabang na gabay ang sumusunod: hilingin sa AI na ipaliwanag ang sagot nito; beripikahin ang mga pahayag at ihambing ang mga ito sa mapagkakatiwalaang sanggunian; at itanong kung anong mga ideya o pananaw ang maaaring hindi naisama. Sa ganitong paraan, higit na mauunawaan ng mga mag-aaral na kasangkapan lamang ang AI na makatutulong sa pagbuo ng sagot. Mapauunlad din nito ang kanilang kritikal na pag-iisip, kasanayan sa pagsusuri, pangangatwiran, at malinaw na komunikasyon.

Upang maiwasan ang pandarayang may kinalaman sa AI, dapat ding turuan ang mga mag-aaral na ipahayag kung kailan at paano nila ito ginamit. Malaki ang maitutulong kung may malinaw na patakaran ang paaralan tungkol sa paggamit ng AI. Halimbawa, maaaring pahintulutan ang paggamit nito sa brainstorming o pagbibigay ng puna. Makakatulong din ang malinaw na pamantayan sa pagmamarka upang malaman ng mga mag-aaral kung ano ang inaasahan sa kanila.
Dapat maunawaan na hindi nangangahulugang tama ang isang sagot dahil lamang mahusay ang pagkakalahad nito.
Gawing sentro ang kaguruan sa pagtuturo tungkol sa AI
Para naman sa mga guro, maaaring magsilbing katuwang ang AI sa pagbuo ng mabibisang gawain sa silid-aralan. Halimbawa, maaari itong gamitin sa paggawa ng mga tanong sa pagsusulit, pag-aangkop ng mga babasahin sa iba’t ibang antas, pagsasalin o pagbubuod ng mga materyal, at pagbuo ng mga banghay-aralin. Gayunman, kailangang isaalang-alang ng mga guro ang magkakaibang kalagayan at karanasan ng mga mag-aaral. Mahalaga rito ang konteksto, lokal na kultura, at mga layunin ng aralin. Malaki ang papel ng mga guro sa pagtukoy kung wasto, angkop, at patas ang anumang materyal na binuo ng AI.
Tugonan ang problema sa access at iba’t ibang konteksto
Dapat isaalang-alang sa responsableng paggamit ng AI ang pagkakaiba-iba ng mga kalagayan sa Pilipinas. Hindi magkakapantay ang antas ng akses sa mga aparato, maaasahang suplay ng kuryente, internet, at mga bayad na serbisyong digital. Dapat ding isaalang-alang na maaaring walang sapat na kagamitan o pondo ang ilang mag-aaral. Sa ganitong paraan, masisiguro na mapapakinabangan ng lahat ang AI at hindi nito mapalalawak ang agwat ng mga mag-aaral na kapos at may sapat na kakayahan.
Maaaring isaalang-alang ng mga paaralan at tagapagtaguyod ng edukasyon ang mga opsiyong gumagana nang offline o nangangailangan lamang ng mababang bandwidth, pagbabahagi ng mga aparato, at mga alternatibong gawaing hindi gumagamit ng AI. Dahil maraming AI tool ang nakatuon sa mga wikang Kanluranin, gaya ng Ingles, dapat tiyakin kung angkop din ang mga ito sa Filipino at sa iba pang wika sa Pilipinas. Kung may pagkiling ang AI laban sa mga lokal na wika, dapat itong maging batayan sa muling pagsusuri sa kasangkapan.
Proteksiyonan ang mga pribadong impormasyon
Isa pang mahalagang usapin ang pag-iwas sa pagbabahagi ng sensitibo o pribadong impormasyon, gaya ng personal na datos, pribadong mensahe, tala, o larawan. Dapat ipaliwanag sa mga mag-aaral kung bakit hindi dapat basta-basta mag-upload ng mga ito sa mga AI platform. Kailangang manguna ang paaralan sa pagbibigay ng gabay. Dapat suriin ng mga paaralan kung anong impormasyon ang kokolektahin, paano ito itatago, at kung sino ang maaaring maka-access dito. Dapat din nilang tiyakin kung angkop at ligtas para sa mga bata ang paggamit ng mga sistemang ito.

May mga gabay ang National Privacy Commission para sa pagbuo at paggamit ng mga AI system na nangongolekta ng datos, pati na rin sa pagprotekta sa mga datos na ito. Dapat ding pag-aralan ang mga gabay na ito upang mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral.
Magtatag ng mga alituntunin patungkol sa AI
Dapat masagot ng bawat paaralan ang mga sumusunod na tanong: Aling mga AI tool ang angkop gamitin? Anong impormasyon ang hindi dapat ibahagi? Paano ihahayag ng mga mag-aaral na gumamit sila ng AI? Sino ang magbeberipika kung binuo ng AI ang isinumiteng gawain? Saan, kanino, o paano maaaring maghain ng reklamo ang mga guro at mag-aaral kung may paglabag sa mga alituntunin?

Makakatulong ang malinaw na mga sagot sa mga tanong na ito upang magkaroon ng pantay na pagkakataon ang mga mag-aaral, pamilya, at guro. Mahalaga ring magsagawa ng mga pagsubok sa mga AI tool para sa mga tiyak na layunin sa pagkatuto, makinig sa makabuluhang puna, at tukuyin ang mga pagkakamali o hindi pantay na epekto upang maitama ang mga pagkukulang.
Bumuo ng panghabambuhay na AI literacy
Sa kabuuan, hinihikayat ang responsableng paggamit ng AI upang mapakinabangan ang mga benepisyo nito. Mahalagang matukoy kung saan ito nagkakamali at kung sino ang may pananagutan sa mga desisyon.
Para sa mga Pilipinong nakagawian na ang paggamit ng AI, dapat maging praktikal, inklusibo, at nakaugat sa pang-araw-araw na karanasan ang edukasyon tungkol sa AI. Dapat ituro ng kurikulum sa responsableng paggamit ng AI kung paano suriin nang kritikal ang mga sagot nito. Makabubuti ring isali ang komunidad at pamilya sa usaping ito. Kailangang protektahan ang pribadong impormasyon at tiyakin ang pantay na akses sa de-kalidad na edukasyon na hindi nakasalalay sa iisang teknolohiya. Malaki ang epekto ng AI sa pagbabago sa iba’t ibang aspeto ng buhay. Gayunman, dapat itong gabayan ng mga asal at pagpapahalagang maka-Pilipino: mapanuri, makatarungan, at makatao.
Mapanuri, makatarungan, at makatao.
Vladimer Kobayashi, PhD, is a Professor at the University of the Philippines Mindanao and a data scientist and AI researcher working on machine learning, causal inference and responsible AI. He earned his PhD at the University of Amsterdam and, as a postdoctoral researcher at the Rotterdam School of Management, Erasmus University, studied how algorithmic and human decisions create bias in online freelance hiring. He is a Certified Analytics Professional (INFORMS), a John Dillon Fellow and Chair of the Marie Curie Alumni Association’s Southeast Asia Chapter, and a Member of the AI Trust Council. Read his Council profile.
Disclosure. The author is a Member of the AI Trust Council, which stewards the Trust Identity Protocol published by The AI Lab.
This article benefited from Filipino language edit by Dr. Maria Margarita R. Lavides.